Narito na ang mga buwan ng tag-araw, na naghuhudyat na oras nang magbabad sa init, maglibang sa labas, at samantalahin ang mga araw na may mas mahabang oras ng liwanag ng araw. Ang mas mainit na mga buwan ay maaari ring magdala ng karagdagang panganib sa mga gawain sa labas ng bahay, kaya sundin ang mga tip na ito para sa kaligtasan upang makapaghanda para sa isang masaya at malusog na tag-araw.
Gumamit ng proteksyon mula sa araw. Laging gumawa ng mga hakbang para protektahan ang iyong sarili kapag naglilibang sa ilalim ng sikat ng araw. Manatili sa malilim na lugar sa maaraw at mainit na panahon para manatiling presko at mabawasan ang panganib ng sunburn. Makapagbibigay ng dagdag na proteksyon mula sa mga nakapipinsalang UV ray ang malalapad na sombrero. Gumamit ng broad-spectrum sunscreen at ipahid ito sa balat 20 minuto bago ka lumabas ng bahay. Pumili ng sunscreen na hindi bababa sa SPF 15, at muli itong ipahid sa balat tuwing dalawang oras at pagkatapos lumangoy, kapag ikaw ay pinawisan, o pagkatapos magpunas ng tuwalya.
Paghandaan ang mga insekto. Kapag nagpaplanong lumabas, siguraduhing may dala kang pantaboy ng insekto (insect repellent). Ang mas mainit na panahon ay nangangahulugang mas marami ang insekto, na hindi lang basta nakaiinis na ingay ang idinudulot. Maaari ring magdala ng sakit ang mga insekto gaya ng mga lamok at garapata. Kung kakailanganin mong gumugol ng panahon sa mga mapunong lugar o kung saan may matataas na damo, magsuot ng damit na mahaba ang manggas at mahabang pantalon upang iwasan ang makagat ng mga insekto. Tandaang tingnan at suriin kung may mga garapata ang iyong damit, katawan, at mga alagang hayop pagbalik galing sa labas.
Manatiling aktibo. Ang pananatiling aktibo ay mahalaga rin para sa mabuting kalusugan, at ang tag-araw ay isang magandang panahon para simulan ang pisikal na aktibidad at magkaroon ng aktibong pamumuhay. Subukang magkaroon ng pisikal na aktibidad na hindi bababa sa 150 minuto bawat linggo, kahit na paglalangoy, paglalaro ng bola, o paglalakad lamang sa paligid ng kapitbahayan. Ang karamihan ay gumagawa ng 30 minuto sa isang araw, 5 araw bawat linggo upang makumpleto ang 150 minuto sa isang linggo. Gawin mo ang anuman ang angkop sa iyong iskedyul at pamumuhay. Ang pisikal na aktibidad ay hindi lamang nakakatulong sa pagpapanatili ng magandang pangangatawan; nakakatulong din ito sa pagpawi ng stress at pagkabalisa at sa pagtulog ng mas mahimbing.
Uminom ng maraming tubig. Ang pagiging masigasig sa pag-inom ng tubig ay mahalaga upang manatiling malusog at hydrated kapag mainit ang panahon, sapagkat madaling ma-dehydrate ang ating katawan nang hindi natin namamalayan. Inirerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention ang pag-inom ng di-bababa sa 64 ounces o halos dalawang litro ng tubig bawat araw. Makakatulong ang mga sports drink na ibalik ang mahahalagang electrolyte na nawawala pagkatapos gumugol ng oras sa ilalim ng mainit na araw ngunit hindi dapat uminom ng napakaraming ganitong uri ng inumin dahil sa maraming asukal ang mga ito.
I-update ang iyong proteksyon sa COVID. Maaaring kilala ang taglamig bilang panahon ng sipon at trangkaso, ngunit nananatiling banta ang COVID sa buong taon. Kung nabakunahan ka na ngunit hindi pa updated ang iyong bakuna, isaalang-alang magpabakuna muli — lalo na kung nagpaplano kang maglakbay, pumunta sa mga pagtitipon na may maraming tao, o gumugol ng oras kasama ang mga nakatatanda. Nag-aalok ang updated na bakuna sa COVID ng proteksyon laban sa dalawang uri ng COVID virus. At kung ikaw ay 65 taong gulang o higit pa, o ikaw ay immunocompromised, maaari kang tumanggap ng ikalawang dosis ng updated na bakuna dahil nanganganib ka sa mga komplikasyon ng COVID.
“Sa pagtatapos ng opisyal na pampublikong emerhensya sa kalusugan, maaaring matukso ang mga tao na ituring ang COVID bilang isang bagay na hindi nila kailangang ikabahala kapag gumagawa sila ng plano para sa tag-araw,” ang sabi ni Dr. Peter Chang, isang cardiologist sa Memorial Hermann sa Houston, TX. “Ang totoo, bahagi pa rin ng mga buhay natin ang COVID, at ang pananatiling updated sa mga bakuna ay tutulong para hindi makagambala ang COVID sa mga bagay na gusto mong gawin.”
Para sa karagdagang impormasyon at para makahanap ng libreng bakuna, bisitahin ang www.vaccines.gov.