Sina Dr. Vivek Murthy, Dr. Adelaida Rosario, at Dr. Joyce Javier ay nagbahagi ng mga mensahe tungkol sa kaligtasan ng bakuna sa COVID-19 sa komunidad ng mga Pilipino-Amerikano
Bilang suporta sa We Can Do This, ang kampanyang pampublikong edukasyon ng administrasyon ng Biden-Harris na naglalayon na madagdagan ang kumpiyansa sa mga bakuna sa COVID-19 at hikayatin ang pagbabakuna, ang TDW+Co, sa pakikipagsosyo sa U.S. Department of Health and Human Services, ay nag-host ng isang virtual press briefing para sa mga miyembro ng media ng mga komunidad ng Asyano-Amerikano, Katutubong Hawaiian at Pacific Islander (AANHPI) noong Huwebes, Hunyo 10.
Sa ginanap na press briefing, ang mga dalubhasa sa medisina mula sa iba’t ibang mga estado ay nagbigay ng kanilang mga karanasan sa pandemya, pati na rin ng mga napapanahong, pinagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa bakuna sa COVID-19. Kasama sa mga espesyal na tagapagsalita ang mga sumusunod: Vice Admiral Vivek H. Murthy, MD, Surgeon General, U.S. Department of Health & Human Services; Lieutenant Adelaida M. Rosario, PhD, Office of the Surgeon General, U.S. Department of Health and Human Services; at mga lokal na doktor tulad ni Dr. Joyce Javier, MD, MPH, MS, Pediatrician at Associate Professor ng Clinical Pediatrics at Preventive Medicine, USC Keck School of Medicine, Los Angeles, CA.
Sa ginanap na tanong at sagot na sesyon, sinagot ng mga dalubhasa sa medisina ang mga katanungan tungkol sa kaligtasan at pagkabisa ng mga bakuna sa COVID-19, kung paano manatiling ligtas at protektado mula sa coronavirus, kung paano maiwasan ang karagdagang pagkalat nito, at ang hindi pagkakapantay-pantay sa kalusugan ng mga komunidad ng mga AANHPIs.
Ang COVID ay nagdulot ng matinding paghihirap para sa milyun-milyong mga Amerikano, ngunit ang mga bakuna sa COVID-19 ay nagbibigay ng pag-asa sa maraming mga pamilya at komunidad. Noong Hunyo 10, iniulat ng CDC na 172 milyong mga tao na naninirahan sa Estados Unidos ay ganap nang nabakunahan. Kabilang sa bilang na ito ay hindi bababa sa 6.1% ng mga Asyano (hindi Hispaniko) at 0.3% na mga Katutubong Hawaiian at Pacific Islander na nakatanggap na ng hindi bababa sa isang pagbabakuna, na tinatayang 6.26 milyong katao.
“Mahigit sa 300 milyong dosis ng bakuna ang naibigay sa Estados Unidos lamang. Ito’y bumubuo ng napakalaking bilang ng mga taong may karanasan sa bakuna,” sabi ni Vice Admiral Vivek H. Murthy. “At dalawang bagay ang nakita namin mula sa lahat ng karanasang ito. Una, ang mga bakuna ay nananatiling lubos na mabisa sa pag-iwas sa COVID. Pangalawa, nagpapanatili rin sila ng napakalakas na safety profile.”
Maraming mga natatanging pagsubok ang hinaharap ng mga komunidad ng AANHPI sa panahon ng pandemya, kasama ang kahirapan ng pagkuha ng impormasyon tungkol sa COVID-19 at kung saan mayroon mga bakuna dahil sa mga hadlang sa wika, ang mababang antas ng kaalaman tungkol sa teknolohiya ng computer, maling impormasyon, at hindi pagkakaunawa sa mga bakuna o ng agham tungkol sa mga bakuna.
“Bilang isang siyentipiko, ako ay nag-aalala sa kakulangan ng pinaghiwalay na data tungkol sa mga populasyon ng AANHPI,” sabi ni Tenyente Rosario. “Ang kakulangan ng data na partikular sa ating magkakaibang populasyon ay nagtatago ng ilang mga hindi pagkakapantay-pantay na sanhi ng mga kadahilanan tulad ng socioeconomics, kalusugan, at pag-access. Bilang resulta, ang ating mga komunidad ay hindi naisasama sa bilang at nakakaramdam na sila’y hindi nakikita.”
“Maraming adbokasiya sa komunidad ng mga Pilipino upang matulungan na ihiwalay ang mga datos,” sabi ni Dr. Javier. “Mayroong hindi katimbang na bilang ng mga nars na Pilipino na namatay mula sa COVID, kaya alam natin na tayo ay mas namimiligro, ngunit wala tayong data mula sa estado o pederal upang suportahan ito. Sa kasamaang palad, ang resulta nito ay ang mga pangangailangan ng ating komunidad ay hindi kinikilala.”
Sumang-ayon ang mga dalubhasa sa medisina na sumunod sa mga alituntunin ng CDC na kinakailangang mabakunahan sa lalong madaling panahon upang maprotektahan ang ating pamilya, mga mahal sa buhay, at komunidad. Lahat ng nasa edad na 12 taong gulang at mas matanda ay maaari na ngayong magpabakuna laban sa COVID-19.
Inirekomenda ng CDC sa mga magulang na interesadong protektahan ang kanilang mga anak na bata at tinedyer na pabakunahan ang mga ito ngayon. “Kahit na bihira para sa mga bata na magkasakit ng malubha mula sa COVID-19 ngayon, maaari silang magkaroon ng pangmatagalang mga kahihinatnan sa kalusugan,” sinabi ni Dr. Javier. “Parami nang paraming mga kaso ang naiuulat tungkol sa mga kabataan na nagdurusa ng pangmatagalang mga epekto sa kalusugan ng COVID-19 na maaaring maging hadlang sa paggawa ng mga bagay na nais nilang gawin sa buhay.”
Nagbigay rin siya ng babala na pinalala ng COVID-19 ang mga isyu ukol sa kalusugan ng pag-iisip ng mga kabataan. “Bago mag-pandemya, ang mga problemang dulot ng mga pang-emosyonal at pag-uugaling pangkalusugan ay naging isang lumalaking pag-aalala, lalo na sa ating komunidad na Pilipino,” sinabi ni Dr. Javier. “Higit pa sa pinsala na dulot ng COVID—mula sa kawalan ng katiyakan, pagkawala ng mga miyembro ng pamilya, at ang pagdagdag ng pagkabalisa at pagkalungkot—ay ang paglaki ng bilang ng mga bata na nag-iisip magpakamatay at saktan ang kanilang sarili.”
Kinumpirma din ni Dr. Javier na ligtas ang mga bakuna para sa mga buntis, pati na rin sa mga bagong ina. “Ang mga buntis ay mas namimiligro sa mga komplikasyon mula sa COVID kaysa mula sa bakuna,” sabi niya. “Ang bakuna ay pinahintulutan ng FDA at ito’y hindi nakakasama sa mga sanggol na sumususo pa at ito’y ligtas para sa mga bagong ina. Kung iisipin mo ito, ang mga antibodies na nabubuo sa gatas ng inang nagpapasuso ay madalas maaaring malipat upang maprotektahan ang sanggol.”
Ibinahagi ng mga doktor na normal para sa mga tao na may mga katanungan tungkol sa mga bakuna. Gayunpaman, napatunayan na ligtas at mabisa ang mga bakuna. Hinimok ng mga doktor na makipag-usap sa mga taong kanilang pinagkakatiwalaan.
“Ang pagbabakuna ay ating daan patungo sa normalidad at ang pinakamahusay na paraan upang maprotektahan ang ating sarili, mga mahal sa buhay, at ang ating komunidad, ang ating bayanihan,” sabi ni Dr. Javier.
Bukod kay Dr. Javier na namuno sa sesyon na ito para sa mga kasosyo sa media ng Filipino, ang mga Chinese (Cantonese at Mandarin), Koreano, Hapon, Katutubong Hawaiian at Pacific Islander, South Asian, at Vietnamese na mga manggagamot mula sa buong bansa ay namuno ng magkatulad na sesyon upang magbigay ng kaugnay at impormasyon na batay sa katotohanan upang matugunan ang mga alalahanin ng kani-kanilang mga komunidad at dagdagan ang kamalayan tungkol sa kaligtasan at pagkabisa ng bakuna.
Para sa Karagdagang Impormasyon Tungkol sa Mga Bakuna
Tiyaking kumunsulta sa iyong healthcare provider bago makakuha ng anumang bakuna. Kung naghahanap ka ng mga karagdagang impormasyon, magtanong sa iyong mga pinagkakatiwalaang mga lokal na pinuno. Kung mayroon kang access sa Internet at may kakayahang maghanap ng impormasyon online, bisitahin ang mga pinagkakatiwalaang mapagkukunan ng impormasyon tulad ng CDC o ang vaccine.gov. Maaari mo rin i-text ang iyong ZIP code sa 438829 upang maghanap ng mga bakunang malapit sa iyo o tumawag sa 1-800-232-0233. Sama-sama, kaya natin ito.
# # #
Tungkol sa We Can Do This
Ang kampanyang pampublikong edukasyon ng HHS COVID-19 (wecandothis.hhs.gov) ay isang pambansang pagpapasimuno na naglalayon na madagdagan ang kumpiyansa ng publiko sa mga bakuna sa COVID-19 at hikayatin ang mga pagbabakuna sa COVID-19.