Mga Bakuna laban sa COVID-19: Isang Paraan para Parangalan ang Pamana, Komunidad, at Pamilya sa Buwan ng Pamana ng AANHPI

Binibigyang-diin ng CDC at ng We Can Do This COVID-19 Public Education Campaign ang pagiging available ng bakuna at ang pangangailangang ipagpatuloy ang ligtas na mga kasanayan.

Habang pinararangalan at ipinagdiriwang ng ating mga komunidad ng Asyano Amerikano, Katutubong Hawayano, at Taga-Isla Pasipiko (Asian American, Native Hawaiian, and Pacific Islander [AANHPI]) sa buong bansa ang magkakaibang kontribusyong ginawa natin sa Estados Unidos, pinaaalalahanan tayo na patuloy na ginagawang posible ng mga bakuna at booster laban sa COVID-19 na magtipon tayo nang ligtas sa mga pampubliko at pribadong lugar.

Simula noong ika-12 ng Mayo, iniulat ng CDC na mahigit sa 258 milyong Amerikano (lahat ng kwalipikadong edad) ang nagpasyang magpabakuna. Sa kasalukuyan, mahigit sa 12.8 milyong Asyano (hindi-Hispaniko) at 618,000 Katutubong Hawayano at Taga-Islang Pasipiko na may edad na 5 taong gulang at mas matanda ang tumanggap ng hindi bababa sa isang bakuna laban sa COVID-19. Bukod pa rito, 95% ng mas matatandang Amerikano ang nabakunahan na—iyon ay 56.5 milyong nasa hustong gulang na may edad na 65 taong gulang at mas matanda—isang makabuluhang tagumpay sa pangangalaga sa mga matatanda sa ating komunidad mula noong nakaraang taon.

“Mayroon tayong mahigit sa 90% ng mga senior na nabakunahan na,” sabi ni Dr. Cameron Webb, White House Senior Policy Advisor para sa COVID-19 Equity, sa isang summit noong ika-22 ng Abril na tinatawag na Conversations on Encouraging COVID-19 Vaccines (Mga Pag-uusap tungkol sa Paghikayat para sa mga Bakuna laban sa COVID-19). “Kailangan nating makamit ang mga kaparehong antas ng mga booster para talagang makuha ang proteksyong kailangan natin.”

Bagama’t ang mga AANHPI sa pangkalahatan ay mas malamang na nakatanggap na ng isang dosis man lang ng bakuna laban sa COVID-19 kumpara sa kabuuang populasyon ng U.S., halos 39% ng kwalipikadong Asyano at mahigit sa 52% ng kwalipikadong Katutubong Hawayano at mga Taga-Islang Pasipiko ang nangangailangan pa rin ng isang booster.

Sinabi ni Webb, “Kung nabakunahan ka na at naturukan ng booster, lubos ka nang protektado laban sa mga variant ng [COVID-19] na kasalukuyan nating nakikita. Mayroon tayong mga kagamitan para magligtas ng mga buhay … at nakita natin [na] napakahalaga ng mga booster sa pagpapanatiling ligtas ng mga tao.”

Malayo na ang naabot ng bansa upang panatilihing ligtas ang mga komunidad ngunit patuloy na ipinakikita ng mga datos kung paano nananatiling naaapektuhan nang labis ng COVID ang mga komunidad na nakabatay sa pagkakakilanlan, at nananatiling mahalagang isyu ang mga pagkakaiba-iba sa kalusugan para sa mga AANHPI sa pagkakamit ng pagkakapantay-pantay sa kalusugan. Sa katunayan, nasa mas mataas na panganib ang ilang pangkat ng AANHPI dahil sa mas mataas na antas ng diabetes, alta presyon, at katabaan.

Ibinahagi rin ng mga dalubhasa ang kahalagahan ng pagpapabakuna sa mga bata, paghikayat sa mga magulang na kumilos para sa kalusugan at kapakanan ng kanilang mga pamilya. “Halos lahat ng mga batang dinadala sa ICU ay ganap na hindi bakunado,” sabi ni Dr. Sean O’Leary, Vice Chair mula sa American Academy of Pediatrics. “Pareho itong nakapanlulumo at nagbibigay ng pag-asa. Nakapanlulumo dahil sa puntong ito ng pandemya, halos ganap na maiiwasan ang mga pagpapaospital na iyon at nagbibigay ng pag-asa dahil mayroon tayong mabisang kasangkapan [mga bakuna] sa pagsulong upang maiwasan ang pagdurusa ng mga bata.”

Sa pagluwag ng mga utos sa publiko tungkol sa mga protokol na pangkaligtasan sa COVID at sa kadalasan ng paglalakbay, tumataas muli ang mga kaso ng COVID at pagpapaospital. Ang nagbibigay ng pag-asa ay ang antas ng pagkamatay dahil sa COVID ay patuloy na bumababa, salamat sa laganap na pagbabakuna.

Nagbigay ang mga booster sa mas maraming tao ng karagdagang proteksyon mula sa virus na COVID at mga variant. Bilang mga AANHPI, parangalan natin ang kasaysayan ng ating komunidad sa pamamagitan ng pagtulong na protektahan ang kinabukasan nito.

Makipag-usap sa isang doktor o sa iyong lokal na propesyonal na tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon kang mga tanong. Humanap ng mga bakuna at booster na malapit sa iyo sa vaccines.gov. Kaya natin ito!

Translate »